- Advertisement -

Gamit sa paggawa ng bomba nakuha sa bahay ni Nobleza

0 85

MANILA, Philippines –  Sari-saring mga armas, sangkap sa paggawa ng bomba at mga subersibong dokumento ang narekober sa bahay ni P/Supt. Maria Cristina Nobleza sa Pine Hills Executive Homes, Purok 5, Brgy. Casisang, Malaybalay City, Bukidnon.

Sinabi ni Supt. Lemuel Gonda, spokesman ng Northern Mindanao Regional Police, bandang alas-9 ng gabi nitong Lunes nang salakayin ang bahay ni Nobleza base sa search warrant na inisyu ni Judge Ma. Theresa Aban-Camannong, Executive Judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 9 ng nasabing lungsod.

Nasamsam sa raid ang isang M16 rifle, pitong magazine ng M16, isang cal. 45 pistol bandolier, isang kulay dilaw na timer na gamit sa Improvised Explosive Device (IED), bomb component, 66 non-electric blasting caps, isang 9 volts ng battery, at sari-saring mga subersibong dokumento.

Sa isa pang operas­yon, sinalakay din ng mga awtoridad nitong Lunes ang apartment na tinuluyan ni Nobleza sa Panglao Island, Bohol Nakumpiska rito ang mga C4 explosive, detonating cord, blasting cap at mga personal na kagamitan.

Nahaharap ngayon sa karagdagang kasong illegal possession of firearms, obstruction of justice, resistance and disobedience to agent of person in authority si Nobleza na ayon na rin kay dela Rosa ay nabuwang sa pag-ibig sa Abu Sayyaf bomb expert na si Reneer Lou Dungon.

Samantala, nailipat na sa PNP Headquarters sa Camp Crame sina Nobleza at Dongon. Dumating kahapon sa NAIA Terminal 3 sina Nobleza at Dungon mula sa Tagbilaran City, Bohol patungong Crame kung saan sumasailalim na sa tactical interrogation.

Sinabi ni PNP Chief P/Director Ronald “Bato” dela Rosa na sina Nobleza at Dungon ay ikukulong sa PNP Custodial Center dahil itinuturing ang mga ito na “high risk” detainees.

Kinumpirma rin ni dela Rosa na pauwi na sa bansa si P/Sr. Supt. Allan Nobleza, ang mister ng nagtraydor nitong misis na si Supt. Cristina. Si Sr. Supt. Allan ay kasalukuyang Police Attache sa Pakistan.

source: Pilipino Star Ngayon

- Advertisement -

Comments
Loading...