- Advertisement -

Dayan susuko?Mayor mamamagitan

0 82

Ipinahayag ni Urbiztondo, Pangasinan Mayor Raul Martin Sison II na handa siyang mamagitan o maging tulay para sa posibleng pagsuko ng kontrobersiyal na dating drayber-nobyo ni Senador Leila de Lima na si Ronnie Dayan para masagot nito ang mga akusasyong nagdadawit dito sa kalakalan ng bawal na gamot sa New Bilibid Prisons.

Sina Sison at Dayan ay kapwa residente ng Barangay Galarin sa Urbiztondo.

Sinabi ni Sison na siya at ang kanyang ama na si second district board member Raul Sison ay makikipag-usap sa asawa ni Dayan hinggil sa natu­rang usapin.

Ipinaliwanag ni Sison na nagiging lubha siyang maingat ngayon sa pagharap sa isyung ito sa kababayan niyang si Dayan dahil ayaw lumantad at magsalita ang mga tao sa lugar na dating tinitirhan nito.Napaulat na dating nagbabakasyon sina Dayan at Delima sa isang malaking puting bahay sa Galarin tuwing weekend noong magkarelasyon pa lamang sila.

Pinaplano ng alkalde na magtungo sa Galarin para kumbinsihin ang maybahay ni Dayan para sa posibleng pagsuko nito.

Sinabi pa ni Sison na, kung may feeler para sa pagsuko ni Dayan, handa siyang mamagitan para matiyak ang kaligtasan nito at para masabi nito ang katotohanan.

Napaulat na isang pulitiko umano sa hilagang Luzon ang nagbibigay ng proteksyon kay Dayan.

Nauna rito, ipinalabas ng justice committee ng House of Representatives ang arrest warrant laban kay Dayan dahil sa pag­kabigo niyang dumalo sa pagdinig ng komite hinggil sa kalakalan ng bawal na gamot sa Bilibid. Napaulat na si Dayan umano ang nangongolekta ng pera mula sa droga para kay De Lima noong nanunungkulan pa itong kalihim ng Department of Justice.

Samantala, isang retiradong police general na nakabase sa Luzon ang nagkakanlong umano kay Dayan, ayon sa National Bureau of Investigation na umaasang matutunton nila sa lalong madaling panahon ang kontrobersiyal na driver.

Ayon kay NBI Spoke­person Ferdinand Lavin, dagsa na ang natatanggap nilang impormasyon ukol kay Dayan.

Isa umano sa NBI teams na lumalakad ang nagbunyag na mayroon na silang nakuhang magandang lead sa ki­naroroonan ni Dayan subalit hindi naman idinetalye upang hindi masunog.

Kabilang sa impormasyong nakalap ng NBI na palipat-lipat lamang umano sa bahagi ng Luzon si Dayan at hindi pa ito nakalalabas ng bansa.

Ibinunyag din ni Lavin na  may isang retiradong police general na nakabase sa Luzon ang nagkakanlong umano dito.

Sakaling mapatuna­yan na ang nasabing he­neral na naging pulitiko ang nagtatago kay Dayan, ay tiyak na papanagutin nila ito sa batas.

Nakatulong din umano sa paghahanap ang inilaang P1-milyon na reward money  ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) para sa pagdakip kay Dayan.

Katulong ng NBI sa pagtunton kay Dayan ang mga tauhan ng Sergeant at arms ng House of Representatives.

 

sourcePhil.star ngayon

- Advertisement -

Comments
Loading...