- Advertisement -

Dumlao, iba pa kinasuhan na ng DOJ sa pagdukot, pagpatay kay Jee Ick Joo

0 60

MANILA, Philippines –  Inamyendahan na ng Department of Justice ang kasong inihain nito sa Angeles City Regional Trial Court Branch 58 kaugnay sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.

 Ito ay kasunod na rin ng isinagawang reinvestigation ng DOJ sa kaso alinsunod sa kautusan ng mababang hukuman.
 Sa resolusyon ng DOJ na may petsang April 6, 2017, nadagdagan ang mga personalidad na akusado sa kaso.

Kasama sa mga nahaharap sa kasong Kidnapping for Ransom with Homicide sina Supt. Rafael Dumlao at Jerry Omlang bilang mga principal sa krimen at Gerardo Ding Santiago bilang accessory.

Nananatili namang akusado sa special complex crime na Kidnapping for Ransom with Homicide sina SPO3 Ricky Sta. Isabel at SPO4 Roy Villegas makaraang pagtibayin ng DOJ ang nauna nitong resolusyon nuong Enero.

Inabswelto naman ng DOJ sa kasong kidnapping for ransom with homicide ang dating akusado na si Ramon Yalung.

Ipinagharap naman ng kasong paglabag sa Anti-Carnapping Law sina Sta. Isabel, Dumlao, Omlang at Villegas dahil sa pagtangay sa Ford Explorer na gamit na sasakyan ni Jee.

Nahaharap naman sa kasong kidnapping at serious illegal detention sina Sta. Isabel, Dumlao, Omlang at Villegas dahil sa pagtangay sa kasambahay ni Jee na si Marisa Dawis Morquicho.

Naihain na kahapon sa Angeles Regional Trial Court ang amended informations na naglalaman ng resulta ng reinvestigation sa kaso ni Jee.

Matatandaan na si Jee ay sapilitang tinangay sa kanyang bahay sa Angeles City nuong October 18, 2016 at sa kaparehong araw ay dinala at pinatay sa loob ng Camp Crame.

Ang kanyang bangkay ay dinala sa isang funeral home sa Caloocan City at saka sinunog. Ang kanyang mga abo ay itinapon pa sa inidoro.

source: Pilipino Star Ngayon

 

- Advertisement -

Comments
Loading...