Hindi pang-habambuhay ang proteksyong tinatanggap ng mga pulis na nasasangkot sa mga kaso ng mga kuwestyunableng pagpatay ng mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga.
Ito ang babala ni Sen. Francis Escudero sa mga pulis na naakusahang umaabuso sa kanilang tungkulin at idinadaan sa karahasan ang proseso ng hustisya sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Escudero na walang permanente sa mundo kaya’t maging ang mga pulis na lumalabag sa batas at nasasangkot sa mga kaso ng pagpatay ay magtatapos din.
Paliwanag pa ni Escudero, anim na taon lamang ang kasalukuyang administrasyon kaya’t kung may mga paglabag sa batas ang sinumang pulis ay haharapin nila ito matapos ang 2022.
Matatandaang makailang ulit na sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang protektahan ang mga alagad ng batas na makakapatay ng mga kriminal at mga sangkot sa iligal na droga kung gagawin nila ito ‘in the line of duty’.
Noong Linggo, napatay sa isang police raid ang alkalde ng Ozamiz City na si Mayor Reynaldo Parojinog Jr., misis nito, dalawang kapatid at 11 iba pa.
Giit ng mga pulis na kabilang sa raid, lehitimo ang kanilang operasyon na layunin sanang magsilbi ng search warrant sa mga tahanan ng pamilya Parojinog ngunit nanlaban umano ang mga ito na nagresulta sa bakbakan.
Bukod kay Parojinog, dalawa pang alkalde na nasasangkot umano sa droga ang napatay ng mga pulis sa umano’y mga anti drug operations.
Kabilang dito sina Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte na napatay ng mga pulis ng CIDG region 8 sa loob ng selda nito sa Baybay Subprovincial Jail at si Mayor Samsudin Dimaukom ng Datu Saudi Ampatuan na napatay rin nang manlaban umano sa mga pulis sa isang checkpoint.