7 taon nang uhaw sa katarungan editoryal

NGAYON ang ika-pitong anibersaryo ng karu­mal-dumal na Maguindanao massacre. Naganap ang massacre noong Nob. 23, 2009 at ito ang pinakamalagim na pagpatay na may kinalaman sa election. Ito rin ang may pinakamaraming biktima (58) na sabay-sabay ang pagpaslang. Sa 58, 32 rito ay mamamahayag. Pagkaraang masiguro na patay na ang mga biktima, inilibing sila sa isang malaking hukay na kasama ang mga sasakyan.

Naganap ang massacre ilang kilometro ang layo sa Shariff Aguak, kung saan magpa-file ng certificate of candidacy ang asawa at kaanak nang noon ay Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu. Kandidatong governor si Mangudadatu. Kabilang sa convoy ang kanyang maybahay, supporters at mga mamamahayag. Pero bago nakarating sa destinasyon, hinarang ang mga ito ng 100 armadong kalalakihan na pinamumunuan umano ni Andal Ampatuan Jr.  Pinababa ng sasakyan ang lahat at saka niratrat.

Sinampahan ng kaso ang mag-aamang Am­pa­tuan — Andal Ampatuan Sr., Andal Jr. at Zaldy at 200 iba pa. Ikinulong sila sa Bicutan jail. Noong 2014 namatay ang matandang Ampatuan na sinasabing “utak” ng masaker. Ang may hawak ng kaso ay si Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Quezon City Regional Trial Court Branch 221.

Marami sa mga kaanak ng biktima ang “uhaw na uhaw” na sa hustisya. Marami sa kanila ang na­wawalan na ng pag-asa. Ayon sa mga naulila, ikinatatakot nila na baka hindi na makamtan ang katarungan sapagkat ang mga pangunahing testigo sa krimen ay nawawala na

Saan patungo ang kasong ito? Hanggang ka­ilan maghihintay ang mga kaanak ng biktima? Ilang taon pa ang kanilang hihintayin?

Nagbigay ng assurance si Justice  Sec. Vitaliano Aguirre II at sinabing matatapos ang kaso sa term ng Duterte administration.

Tututukan umano at malaki ang paniwala na makakamtan din ang hustisya ng mga kaanak ng biktima.Sana, maging maikli na ang paghihintay. Ang pitong taong paghihintay ay sobra-sobra nang pa­sakit sa mga naulila. Tapusin na ang sobrang pagkauhaw sa hustisya ng karumal-dumal na kasong ito.

 

source phil.star ngayon

Comments (0)
Add Comment